Truck sumalpok sa poste ng LRT, 1 patay, 2 sugatan

ABS-CBN News

Posted at Mar 10 2017 07:18 AM | Updated as of Mar 10 2017 08:22 AM

(UPDATE) MANILA - Isa ang patay habang dalawa ang sugatan matapos bumangga ang isang dump truck sa isang ginagawang poste ng LRT sa kahabaan ng eastbound lane ng Marcos Highway, Biyernes ng umaga.

Ayon kay Dang Rosalada ng MMDA Metrobase, sakay ng trak na may plakang RKN-188 ang tatlong biktima na kinilala bilang ang drayber na si Paolo Gil, gwardiya na si Ronnel Asuelo, at pahinante na si Sammy Boy Gallano.

Ayon sa mga awtoridad, binawian na ng buhay si Gallano sa loob ng trak habang hindi pa mailabas mula sa pagkakaipit sina Gil at Asuela dahil sa pangambang gumuho ang mga scafolding sa oras na hilahin paatras ang truck.

Sinimulan na ng mga contractor ng LRT2 na baklasin ang mga scafolding na tinatayang aabutin ng 2 oras.

Isang lane lang ng Marcos Highway eastbound ang maaaring daanan dahil nakahambalang ang naaksidenteng trak sa dalawa pang lane, sabi ni Rosalada.

Pinapayuhan ang mga motorista na dadaan sa Marcos Highway papunta sa Cubao na dumaan sa mga alternatibong ruta tulad ng Sumulong Highway via Marikina.

--- ilang ulat mula kay Ernie Manio, ABS-CBN News.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.