Tricycle driver sumalpok sa bus, patay

Grace Alba, ABS-CBN News

Posted at Mar 09 2017 11:34 AM

LAOAG CITY - Patay ang 28-anyos na tricycle driver matapos bumangga ang minamanehong tricycle sa isang bus sa Gilbert Bridge sa Laoag City Miyerkules ng gabi.

Nakilala ang biktima na si Wilmer Yadao, residente ng Barangay Santa Maria, Laoag City habang ang driver naman ng bus ay si Nemesio Babas mula Sinait, Ilocos Sur.

Ayon sa hepe ng Laoag City Traffic Division na si SPO3 Sean Bugaoisan, nagkasalubong ang dalawa sa tulay nang mabangga ni Yadao ang mga bollard sa gitna ng tulay hanggang sa sumalpok ito sa bus.

"Allegedly, according sa driver ng bus, itong tricycle, nabangga niya ang mga bollard sa gitna at nag-swerve ito sa kasalubong na bus. Pero mag-iimbestiga pa kami para malaman kung sino talaga ang may kasalanan," sabi ni Bugaoisan.

Tumilapon ang biktima at nabagok ang ulo sa daan.

Giit ni Babas, mabilis ang pagpapatakbo ng biktima sa kanyang tricycle.

"Galing ako sa Cubao, nakasalubong ko itong tricycle na inararo ang mga inilagay sa gitna ng daan ( bollards). Nagpreno pa ako at 'yun bumangga na," paliwanag ni Babas.

May sakay naman na pasaherong menor de edad si Yadao na nagtamo ng sugat na ngayo'y nagpapagaling na sa ospital.

Hindi makapagdesisyon ang pamilya Yadao kung magsasampa sila ng kaso o hindi laban sa driver ng bus.