Pulis na nagpaluhod sa motorista, sinibak sa pwesto

Annie Perez, ABS-CBN News

Posted at Mar 09 2017 08:45 PM

Sinibak na sa pwesto ang hepe ng Siaton police sa Negros Oriental matapos na makita sa cellphone video na nangmamaltrato ng umano’y lasing na motorista.

Ayon sa hepe ng Negros Oriental Provincial Police Office na si Senior Superintendent Harry Biñas, tinanggal na sa pwesto si Senior Inspector Varie Villanobos tapos niyang matanggap ang video mula sa isang source.

Sa naturang video na kuha noong Enero 27, makikita si Villanobos na pinagsasabihan si Jerby Dela Cruz, driver ng isang motorsiklo. 

Pinaluhod ni Villanobos si Dela Cruz sa tabi ng open pipe muffler ng kanyang motorsiklo habang pinipihit ang silinyador upang iparinig ang ingay na dulot nito. 

Sa blotter entry sa Siaton Police, sinampahan si Dela Cruz ng kasong alarm and scandal dahil sa kanyang maingay na motorsiklo at sa pakikipag-away din umano sa isang truck driver.

Si Villanobos ay kasalukuyang naka-assign sa Provincial Director’s Office at sa ngayon ay naka-leave.

Tinangkang hingan ng pahayag ng ABS-CBN News si Dela Cruz subalit tumanggi itong magbigay ng komento.

Samantala, kasalukuyang iniimbistigahan ni Biñas ang insidente.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.