Paring Belgian sa Isabela, nagpahayag ng pagtutol sa death penalty

Danielle Rebollos, ABS-CBN News

Posted at Mar 09 2017 07:14 PM

ILAGAN CITY, Isabela — Nagpahayag ng pagtutol ang paring Belgian na si Fr. John Couvreur sa pagpapanumbalik sa parusang kamatayan.

Simula pa lamang ay sinubaybayan na umano ni Couvreur ang isyu, kaya dismayado siya nang ipasa ito sa Kamara.

Ayon kay Couvreur, hindi solusyon ang death penalty para mabawasan ang krimen sa bansa. Hindi rin umano nababawasan ang krimen sa mga bansang nagpapatupad ng parusang kamatayan.

Dagdag pa niya, kaduda-duda ang pagbabawas ng mga kongresista sa bilang ng mga krimen na maaaring maparusahan ng death penalty. Tila umano pinoprotektahan lamang ng mga mambabatas ang kanilang mga sarili.

Walumpung porsyento rin ng mga Pilipino ay Katoliko kaya kahiya-hiya umano kung tatanggapin ng sambayanan ang death penalty.

Ipinaalaala rin ni Couvreur ang kahalagahan ng pagrespeto sa buhay at dignidad ng isang tao.

Suhestiyon ng pari, mas pagbutihan ang proseso ng prosecution at ayusin ang sistema ng pagbibigay ng hustisya sa bansa.

"Let us go into a more serious prosecution. Why do people take things into their hands because there is no justice in the justice system. Ilang beses akong pumunta, nakita ang korte na iisang kaso na simple umabot ng apat hanggang anim na taon... Change the justice system, review it sincerely and think about not only the culprit but also about the victim," ani Couvreur.

Para kay Couvreur, tila wala na ring silbi kung iaapela pa sa Senado ang panukalang batas dahil wala na umano itong independence.

"Our appeal to the Senate is useless because as of now we don’t see, the Senate has no more independence . . . They just, well . . . the Senate maybe a little still but sure the Congress they are just tuta . . . They should be independent," aniya.

Isang misyonarong pari si Couvreur. Isa rin siyang aktibong environmentalist na mahigit dalawang dekada nang naninirahan sa Pilipinas.