MAYNILA — Umarangkada na nitong Miyerkoles ang 3-araw na Election Summit ng Commission on Elections (Comelec) sa isang hotel sa Pasay City.
Ang summit na ito ay may temang “Pagtutulungan sa Makabagong Halalan” na nag-imbita ng iba't ibang election watchdog, civil society groups at mga stakeholders sa halalan.
Sabi ni Comelec chairman George Garcia, layon nito na simulang makapagbigay ng kontribusyon ang lahat para magkaroon ng mas maayos at malinis na halalan.
Bahagi ng programa ang exhibit kung saan ibinida ng Comelec ang makasaysayang dilaw na ballot box na ginamit sa mga nakalipas na halalan at ang mga vote counting machines o VCM na ginamit naman sa nagdaang mga automated elections.
Sa unang araw ng summit, panauhing pandangal sina Sen. Imee Marcos, Chairperson ng Senate Committee on Electoral Reforms and People’s Participation, at Mountain Province Lone District Rep. Maximo Dalog Jr., Chairperson naman ng House Committee on Electoral Suffrage and Electoral Reforms.
Sa orihinal na schedule na ibingay ng Comelec, kasama dapat sa bisita ngayong araw si House Speaker Martin Romualdez pero ayon kay Garcia, hindi ito nakadalo dahil may iniindaang karamdaman.
Inaasahang darating si Senate President Juan Miguel Zubiri, Miyerkoles ng hapon, at bukas naman ay si Executive Secretary Lucas Bersamin.
Itinuturing ng Comelec na makasaysayan ang pagdaraos ng election summit na ito kung saan ayon kay Garcia, patunay ito na handa ang komisyon na makinig at umaksyon sa mga isyung may kaugnayan sa halalan.
“Not only because this is the first, because it shows to everyone the intention of Comelec to listen and to consult everybody... Mahirap na kami lang po ang may monopoly ng pamamaraan kung paano tayo magkakaroon ng election management... We will listen and definitely act accordingly,” sabi ni Garcia.
Magiging highlight ng 3-araw na National Election Summit ang pagdalo ni Pangulong Bongbong Marcos, Jr. sa Biyernes.
Sabi ni Dalog, nakahanda ang Kamara na magpasa ng mga batas patungkol sa halalan kung kinakailangan para mas maisaayos ang proseso ng halalan sa bansa.
EARLY VOTING PARA SA MGA SENIOR, PWD
Sumulat na si Garcia sa Comelec en banc para matalakay ang panukalang early voting para sa mga senior citizen, PWD at iba pang nangangailangang sektor habang hinihintay pang maipasa ang panukalang batas para rito.
“I’m proposing to the en banc for the purposes of the 2023 Barangay and SK elections yung early voting… Ibig sabihin kung nagsisimula ang voting hours ng alas-siyete, baka naman puwede naming ma-convince yung mga teachers baka puwedeng buksan yung mga presinto ng alas-singko hanggang alas-siyete para sa mga senior citizens, PWD yung mga pregnant women so at least man lang para sila ay makaboto conveniently,” sabi ni Garcia.
Sabi ni Garcia, tinatayang makikinabang ang nasa 10 milyong senior citizen sakaling maaprubahan ang early voting para sa kanilang hanay.
Magkakaroon aniya ng pilot test ng early voting sa ilang mga lugar sa bansa na tutukuyin ng Comelec. Iaanunsyo naman anila ang buong detalye sakaling matuloy.
“Yung pilot test natin, magkakaroon ng mock para sa mall voting bandang July yan,” ani Garcia.
Aminado ang Comelec na sakaling matuloy ang early voting, mangangailangan din ang komisyon ng karagdagang budget para rito, gaya ng dagdag na pondo para sa honoraria ng mga gurong magsisilbi sa halalan.
VOTE COUNTING MACHINE
Sabi Garcia, ayaw na ng mga miyembro ng Comelec en banc na gamitin pa sa susunod na mga halalan ang mahigit sa 90,000 VCMs na ginamit sa nagdaang halalan.
“Kung desidido talaga ang Comelec na i-set aside ang 98,000 na vote counting machines namin - 100 percent sure kami na ayaw na namin sa machines na yun,” sabi ni Garcia.
Mas mapapamahal aniya ang Comelec kapag bibili ng mga bagong makina dahil dagdag sa gastos dito ang paglalagay ng mga ito sa warehouse at ang pagmamantine sa mga makina.
BUDGET
Naglaan ang Comelec ng tinatayang P10 milyong pondo para sa pagdaraos ng 3-araw na summit.
Sabi ni Garcia, hindi naman nanggaling ang pondong ito sa regular na budget ng komisyon kundi hinugot nila sa kanilang “savings."
"Meron po kaming kahit paano naiimpok - yung tawag natin don savings. Ang initial po namin na budget dyan ay inabot po kami ng mga P10 million. Huwag pong mag-alala naman ang sambayanan," aniya.
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.