PatrolPH

Asawa ng nadamay sa Degamo slay, umaasang maresolba agad ang kaso

Jose Carretero, ABS-CBN News

Posted at Mar 08 2023 07:36 PM

Philippine National Police
Hinarangan ng mga awtoridad ang tapat ng bahay ni Negros Oriental Gov. Roel Degamo matapos itong looban ng mga armadong indibiduwal noong Marso 4, 2023. Photo courtesy: Philippine National Police

Naipadala na ng Degamo task force sa Department of Justice (DOJ) ang limang reklamo ng frustrated murder, ayon sa tagapagsalita nito.

Base ang reklamo sa salaysay ng lima sa 13 na nasugatan sa pamamaril, ayon kay PLt. Col. Gerard Ace Pelare, spokesperson ng Special Investigation Task Group (SITG) na nakatalagang mag-imbestiga sa pagpatay kay Gov. Roel Degamo.

“Just yesterday we have again forwarded five complaints for frustrated murder as we have reported this is an ongoing investigation. May mga ipa-file pang kaso as the days go by, because 'yung iba pang mga victims are still in the hospital... We are trying to coordinate with them para ma-complete po ang mga cases or complaints that we are going to forward to the DOJ for their perusal,” ani Pelare.

Ayon sa Philippine National Police (PNP), 13 pa ang nasa ospital at bukod sa limang nakuhanan na ng salaysay, wala pang ibang update ang pulisya sa lagay ng iba pa.

Dagdag ni Pelare, nananatili pa rin sa apat ang naarestong suspek ngunit may ilang naaresto ang ibang PNP units na bineberipika ngayon ng SITG kung may kinalaman ang mga ito sa pagpatay kay Degamo.

“Apat yung naaresto at 'yung isang namatay. There were other arrests made by other units outside of the Special Investigation Task Group, [which] are being coordinated if these are in any way related to the ongoing hot pursuit operation,“ ani Pelare.

Wala pang eksaktong impormasyon kung ilan ang ibang naaresto.

Tiwala naman umano ang SITG na hindi pa nakakalabas ng Negros Oriental ang iba pang pinaghahanap na mga suspek.

Samantala, ipinagpapasalamat ng biyuda ng isa sa mga namatay sa pamamaril ang pahayag ng apat na naarestong suspek na handa silang makipagtulungan sa imbestigasyon.

Sa kabila nito, tuloy ang kanilang panawagan na mapadali ang pagkakaaresto sa iba pang mga suspek.

“Dapat bilisan ang pagtugis sa kanila kasi gusto kong mabigyan ng justice ang pagkamatay ng asawa ko. Kasi meron po akong apat na anak. Ako na lang magtataguyod sa kanila kaya gusto kong mahuli silang lahat,” ani Flora Maquiling, ang asawa ni Jerome Maquiling na napatay sa pamamaril.

Hiling din ni Flora, mabigyan sila ng tulong lalo na sa pagpapaaral sa kanilang anak.

Dalawa ang kolehiyo, isang senior high school at elementary ang pinag-aaral pa nila.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.