4 patay sa magkakahiwalay na aksidente sa Iloilo

ABS-CBN News

Posted at Mar 08 2021 02:35 PM

Nahulog ang isang cement mixer sa bangin sa bayan ng Maasin, Iloilo noong Marso 7, 2021, na ikinamatay ng mag-ina. Retrato mula sa Maasin Municipal Police Station

Apat ang nasawi sa magkakahiwalay na aksidente sa lalawigan ng Iloilo nitong Linggo.

Sa Barangay Molo sa bayan ng Maasin, patay ang mag-ina matapos madaganan ng cement mixer, ayon sa pulisya.

Base sa imbestigasyon, nahulog ang cement mixer sa bangin matapos magkamali sa pagtantiya ang driver.

Kasama ng driver ang kaniyang asawa at 8 taong gulang na anak nang mangyari ang aksidente.

Nag-panic umano ang mag-ina kaya tumalon sa truck, pero sa kasamaang palad ay nadaganan sila.

Nakaresponde pa ang mga awtoridad at nadala sa ospital ang mag-anak. Pero binawian din ng buhay ang mag-ina dahil sa mga tinamong sugat.

Patay naman ang isang 80 taong gulang na lalaki sa bayan ng Oton matapos mabangga ng truck.

Ayon sa imbestigasyon ng pulisya, biglang tumawid ang biktima sa kalsada sa Barangay Calamaisan at hindi namalayang may parating na truck.

Kulong ang driver ng truck, na nakatakdang sampahan ng kasong reckless imprudence resulting in homicide.

Samantala, patay ang isang lalaki habang 3 ang nasugatan sa aksidente sa bayan ng San Enrique.

Sakay ng motorsiklo ang nasawing si Vincent Celiz kasama ang 2 pang angkas nang mabangga nila ang isang batang patawid ng kalsada.

Nang tumumba ang motorsiklo, nagulungan naman sila ng kasalubong na tricycle at nakaladkad nang ilang metro.

Agad dinala sa ospital ang mga sangkot sa aksidente pero idineklarang dead on arrival si Celiz.

-- Ulat ni Rolen Escaniel

FROM THE ARCHIVES:

Watch more in iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.