P4.4-M halaga ng marijuana nasamsam sa Bulacan drug bust; 9 timbog

ABS-CBN News

Posted at Mar 08 2020 02:30 PM

Aabot sa P4.4 milyon halaga ng marijuana ang nakumpiska ng mga awtoridad sa 9 naarestong suspek sa buy-bust operation sa Hagonoy, Bulacan ngayong Linggo.

Ikinasa ng mga tauhan ng Northern Police District (NPD) at Hagonoy Municipal Police Station ang operasyon sa may Barangay Iba bandang 3:20 ng madaling araw, ayon sa ulat mula sa National Capital Region Police Office (NCRPO).

Nasa edad 17 hanggang 28 umano ang mga naaresto.

Sa northern Metro Manila dapat idaraos ang transaksiyon sa pagitan ng mga suspek at pulis na nagpanggap na buyer pero hiniling ng mga suspek na sa Hagonoy na lang mangyari ang bentahan, ayon kay Capt. Ramon Aquiatan, hepe ng NPD Drug Enforcement Unit.

Nakumpiska sa mga suspek sa Hagonoy ang dried marijuana leaves at fruiting tops na may timbang na 37 kilo at tinatayang nagkakahalagang P4,440,000, sabi ng NCRPO.

Dadalhin umano ang mga nakumpiskang droga sa NPD Crime Laboratory Office para sumailalim sa qualitative examination.

Haharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Ang operasyon ay follow-up ng 2 naunang buy-bust – isa sa Caloocan City noong Pebrero 16 kung saan nakuha ang 1.5 kilo ng marijuana sa 2 suspek, at sa Quezon City noong Pebrero 19 kung saan nasamsam ang 5 kilo ng marijuana sa isang naaresto, ayon sa NCRPO. -- May ulat ni Jekki Pascual, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.