PatrolPH

Duterte di ipasasara, sususpendehin ang mga POGO sa bansa: spox

ABS-CBN News

Posted at Mar 08 2020 06:10 PM

Watch more on iWantTFC

Hindi ipatitigil ni Pangulong Rodrigo Duterte ang operasyon ng mga Philippine offshore gaming operator (POGO) sa bansa sa kabila ng pagkakasangkot ng industriya sa mga isyu ng katiwalian at krimen.

Iniulat ng Philippine Amusement and Gaming Corporation kay Duterte na “okay” ang mga operasyon ng POGO sa bansa kaya hindi ito ipatitigil o sususpendehin ni Duterte, sabi ngayong Linggo ni Presidential Spokesman Salvador Panelo.

Binigay ni Panelo ang pahayag sa gitna ng panawagan ng ilang mambabatas sa suspendehin ng operasyon ng mga POGO – na karamihan ay pag-aari at pinagtatrabahuhan ng mga Chinese – dahil sa ilang krimeng iniuugnay sa industriya.

Ngayong Linggo, hinimok ni Surigao del Norte 2nd District Rep. Robert Ace Barbers ang gobyerno na ipasara at ipatigil ang POGO operations sa bansa.

Bagaman may naipasok na pera sa bansa ang mga POGO, palpak naman ang mga benepisyo nito dahil sa mga dalang “social ill,” ani Barbers.

Naniniwala rin si Barbers na posibleng mas pinalakas ng POGO industry ang operasyon sa bansa ng Golden Triangle drug syndicate ng China.

Dapat din, ayon kay Barbers, imbestigahan kung may kinalaman ang mga embahada ng bansa at ng China sa anomalyang idinudulot ng industriya ng POGO.

Nabulgar kamakailan sa isang pagdinig sa Senado ang umano ay pagtanggap ng ilang taga-Bureau of Immigration ng payola para makapasok sa bansa ang mga ilegal na POGO worker. Tinagurian itong “pastillas” scheme.

Pinuna rin ni Sen. Richard Gordon ang milyon-milyong dolyar na pumasok sa bansa sa mga nakalipas na buwan, na may kinalaman din umano sa mga POGO.

Ayon din sa mga awtoridad, lumakas ang prostitusyon sa bansa mula nang magsulputan ang mga POGO.

-- May ulat ni Angel Movido, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.