Tumatakbong kandidato para sa Sangguniang Bayan, arestado

Lorilly Charmane D. Awitan, ABS-CBN News

Posted at Mar 08 2019 11:05 AM

Kumakandidatong Sangguniang Bayan member ang suspek na naaresto sa kasong kidnap-for-ransom. Larawan mula sa Criminal Investigation and Detection Group-Lanao del Norte

MAIGO, Lanao del Norte – Arestado ang isang tumatakbong kandidato para sa Sangguniang Bayan sa isinagawang Oplan Pagtugis sa Purok 1, Barangay Liangan West, Huwebes ng hapon.

Ayon sa report, nahuli si Arafat Domrang sa bisa ng warrant of arrest para sa kasong kidnap-for-ransom.

Si Domrang ay miyembro umano ng Raphakar criminal group na kumikilos sa probinsya ng Lanao del Sur at Lanao del Norte. 

Kumakandidato bilang Sangguniang Bayan member sa Munai, Lanao del Norte si Domrang para sa 2019 elections.

Bukod sa kidnap-for-ransom, may nakabinbin pa itong kasong estafa sa nasabing probinsya.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.