PatrolPH

Tricycle driver, timbog sa buy-bust sa South Cotabato sa mismong kaarawan

ABS-CBN News

Posted at Mar 08 2019 02:07 AM

SOUTH COTABATO - Arestado ang isang tricycle driver sa kaniyang kaarawan dahil sa pagbebenta umano ng shabu sa Barangay Poblacion, Polomolok, South Cotabato Huwebes ng hapon.

Dinampot din ang kaniyang kasamang menor de edad na nag-abot ng droga sa mga pulis. Nakuha sa kanila ang isang sachet ng umano'y shabu na may halagang P500.

Ayon kay Police Maj. Andres Sumugat ng Polomolok police, kasama sa drugs watchlist ang tricycle driver. Itinanggi naman ng mga suspek na sangkot sila sa pagtutulak.

Samantala, timbog ang isang tindero ng saging sa buy-bust operation sa Barangay Apopong, General Santos City Huwebes ng gabi.

Narekober sa suspek ang isang sachet ng hinihinalang shabu na may halagang P500.

Ayon sa Police Station 2 ng General Santos City, bagsakan ng ilegal na droga ang suspek sa lugar. Aalamin ng pulisya kung saan galing ang droga at ang iba pang mga kasabwat ng suspek.

Mahaharap ang mga hinuli sa reklamong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. - Ulat ni Francis Canlas, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.