PatrolPH

TIPS: Paano pumasa sa ina-apply-an na trabaho?

ABS-CBN News

Posted at Mar 08 2019 07:16 PM

Suliranin sa ilan ang pag-a-apply sa trabaho, na tumatagal pa minsan ng ilang buwan.

Kaya naman may payo ang isang organization development and human resources consultant para mas mapadali ang pag-apply sa trabaho.

Ayon kay Giselle Barrion, mas malaki ang tsansang makapasa sa ina-aplayang trabaho kapag nag-apply sa unang tatlong buwan g taon.

"Usually ang job openings nagisismula sa first quarter of a year. Kapag first quarter of the year mas malaki 'yung chances na makuha ka for a new job," ani Barrion sa "Sakto" ng DZMM ngayong Huwebes.

Mahalaga rin aniyang ilahad agad sa ipapasang curriculum vitae ang mga objectives o layunin sa paghahanap ng trabaho.

"Sisimulan po palagi sa objective... It's a snapshot of what you want to achieve, kailangan naka-identify doon ang objective mo for looking for a job," aniya.

Dapat din daw nakalinya ang mga short-term at long-term goals sa mga layunin na nakalagay sa curriculum vitae.

Ayon kay Barrion, importanteng mataas ang nibel ng kompiyansa ng aplikante, at mahalaga aniyang maipagmalaki ang mga nagawa tuwing crisis management, lalo na kung napapabilang sa mga organisasyon noong kolehiyo, at sa mga nauna nang work experience.

Dagdag niya na dapat nakalinya ang mga sasabihin ng aplikante sa "STAR" method (situation, task, action, result) para malaman ng employer kung ano-ano ang maaaring gawin ng aplikante sa panahong magkaroon ng problema sa aaplayang trabaho.

"Ano ang nagiging result out of that action, naging successful ba? Kailangan makita 'yon ng interviewer mo," ayon kay Barrion.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.