Pulis-Maynila timbog sa buy-bust; huli ring gumagamit ng shabu

Lady Vicencio, ABS-CBN News

Posted at Mar 08 2019 04:53 AM

MAYNILA - Arestado ang isang pulis sa buy-bust operation sa Sampaloc, Maynila Huwebes ng gabi.

Kinilala ang suspek na si Patrolman Ferdinand Rafael, 52 anyos, na nakadestino sa Manila Police District (MPD).

Dalawang linggong minanmanan ang suspek matapos ireklamo ng ilang concerned citizen tungkol sa ilegal na gawain nito.

Dinampot ng mga tauhan ng Regional Special Operations Unit (RSOU) ng National Capital Region Police Office (NCRPO) si Rafael matapos itong magbenta ng P1,000 halaga ng hinihinalang shabu.

Narekober sa bahay ni Rafael sa Calabasita St. ang nasa 15 gramo ng umano'y shabu na may halagang P102,000.

Sa surveillance video, nakuhanan din siya na gumagamit ng shabu kasama ang 2 lalaki.

Napabilang sa Philippine National Police (PNP) si Rafael noong 1995 pero nag-AWOL matapos ang isang taon.

Nakabalik siya sa serbisyo noong 2002 at nakatalaga ngayon sa District Admin Holding Unit ng MPD. Naka-assign siya sa Traffic Sector 8.

Sermon naman ang inabot ni Rafael mula kay NCRPO director Guillermo Eleazar.

Nanggagalaiti sa galit si Eleazar nang hindi masabi ni Rafael ang pangalan ng kaniyang superior sa MPD.

"Anong klaseng pulis ka ni hindi mo alam kung sino ang immediate superior mo," ani Eleazar.

Iimbestigahan ng MPD ang umano'y pag-AWOL ni Rafael. Pero ayon sa kaniya, dahil ito sa naging operasyon sa kaniyang paa.

Hindi na rin siya nagbigay ng pahayag laban sa mga paratang sa kaniya. "No comment na po," ani Rafael.

Dahil sa sunod-sunod na pagkahuli sa mga pulis mula NCRPO nitong linggo, muling nagbabala si Eleazar sa mga gumagawa ng katiwalian sa kanilang hanay.

"Mortal sin for the policeman na gumamit ng droga. Ito ang laging sinasabi natin sa internal cleansing natin. Zero tolerance, no compromise tayo pagdating sa droga," aniya.

Mahaharap sa kasong administratibo at kriminal si Rafael. Maaari ring matanggal sa puwesto ang kaniyang commander sa kalalabasan ng imbestigasyon. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.