Mga housewife, isinusulong na mabigyan ng buwanang sahod

Zandro Ochona, ABS-CBN News

Posted at Mar 08 2019 06:04 PM

MAYNILA - Isinusulong sa Kamara ang isang panukalang naglalayong mabigyan ng buwanang sahod sa mga housewife.

Sa House Bill 8875 na isinusulong ni Albay Rep. Joey Salceda, kinikilala ang ambag ng mga misis ng tahanan sa kanilang mag-hapong pag-aalaga sa kanilang mga asawa’t anak gayundin ang epekto nito sa ekonomiya.

Sa ilalim ng panukala, bibigyan ng P2,000 sweldo ang mga nanay na may isang anak na may edad 12 pababa at makokonsiderang kabilang sa pinakamahihirap sa bansa.

Kada tatlong taon ay bubusisiin ito ng Department of Social and Welfare Development at ng Kongreso.

Ang DSWD ang tutukoy sa kung sino ang karapat-dapat na mabigyan ng ayuda.

Ayon kay Salceda, tinatayang P35 bilyon ang gagastusin ng pamahalaan para sa social protection assistance program, kung saan P32 bilyon dito ay para sa mga babaeng kasal, P3 bilyon naman para sa mga single o biyudang nanay.

Kasalukuyang nakabinbin sa House Committee on Women and Gender Equality ang panukala.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.