Babaeng nahuling tumangay ng bata sa Baclaran, arestado

Anjo Bagaoisan, ABS-CBN News

Posted at Mar 08 2019 05:24 AM | Updated as of Mar 08 2019 09:43 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA - Timbog ang isang babae matapos maaktuhang tumangay ng isang 5 anyos na lalaki sa Baclaran, Paranaque City Huwebes ng hapon.

Kuwento ng ama ng bata, naglalaro sa Pinaglabanan St. ang panganay na anak nang bigla itong kunin ng babae. 

Naghahanap umano ng banyo ang babae at hinila ang bata para samahan siya. 

Pero nakilala ng ilang taga-roon ang bata at itinuro sa tatay kaya nahuli ang 19 anyos na babae na nagpakilalang taga-Marilao, Bulacan. 

Ayon sa kalihim ng barangay na si Boyet Rivera, paiba-iba ang kuwento ng dalaga sa kanila hanggang sa umamin sa balak nitong gawin.

Dadalhin umano niya ang bata sa Bulacan para magbenta ng sampaguita at droga. 

Nitong Pebrero lang, arestado rin ang isang babae sa Barangay BF Homes sa tangkang pagdukot ng isang bata. 

Inamin din nitong nasa 20 bata na umano ang tinangay nito para dalhin sa Bulacan para mabiktima sa cybersex. 

Ayon naman sa Barangay Baclaran, unang beses pa lang ito nangyari sa kanilang lugar sa nakalipas na taon. 

Sa kabila ng pagmamakaawa ng babae, desidido ang pamilya ng bata na ituloy ang pagsampa ng reklamong kidnapping sa babae na nakakulong ngayon sa Parañaque City Police Station. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.