'Tulak' ng marijuana, arestado sa Davao City

Ara Casas, ABS-CBN News

Posted at Mar 08 2018 11:48 AM

Nasamsam ng awtoridad mula kay alyas James ang tinatayang nasa kalahating kilo ng pinatuyong dahon ng marijuana at marked money sa buy-bust operation Miyerkoles ng gabi, Marso 7, 2018, sa Davao City.

DAVAO CITY – Nahuli sa buy-bust operation ang isang 22-anyos na lalaking nagbebenta ng marijuana, Miyerkoles ng gabi.

Ayon kay Senior Inspector Arcadio de Dios, ang deputy for operations ng San Pedro Police, si alyas “James” ay ang kinikilalang source ng marijuana sa kanilang lugar.

Alas-10 ng gabi nang madakip ang suspek sa Antuanga Street, Purok 23-A, Ecoland Drive kung saan kabilang sa mga nakuha sa kaniya ang isang balot ng marijuana na tinatayang nasa kalahating kilo, limang maliliit na binalot na marijuana, drug paraphernalia at P500 marked money.

Hindi naman itinanggi ng suspek ang alegasyon laban sa kaniya.

Sabi niya, P100 ang pinakamurang presyo ng ibinebenta niyang marijuana.

Nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act ang suspek.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.