Sundalo, 2 iba pa, timbog sa droga sa QC

ABS-CBN News

Posted at Mar 08 2018 07:29 PM | Updated as of Nov 08 2018 12:09 PM

Kasama ang isang sundalo sa tatlong naaresto sa isang buy-bust operation noong Miyerkoles ng gabi sa Barangay Pasong Tamo, Quezon City.

Kabilang si Army 2nd Lieutenant Hamel Samsodin sa mga nasakote sa joint operation ng Quezon City Police District (QCPD) at Armed Forces of the Philippines (AFP).

Nakuha sa mga suspek ang 25 gramo ng shabu, marked money na P60,000, dalawang pistola, isang M16 rifle, at isang hand grenade.

Nakipaghabulan pa ang mga suspek sa mga awtoridad mula Pasong Tamo hanggang North Fairview nang matunugan na mga pulis ang kanilang katransaksiyon.

Ayon kay QCPD Director Guillermo Eleazar, matagal na silang nakatatanggap ng ulat hinggil sa pagkakasangkot ni Samsodin sa ilegal na droga.

"Nagagamit niya ang kaniyang position and connection on this illegal activity," ani Eleazar.

Ayon naman kay Samsodin, nagsisilbi lang siyang courier o tagahatid pero hindi umano siya nagtutulak.

Tinitingnan din ng QCPD kung may iba pang kasabwat ang mga naaresto sa hanay ng mga sundalo.

"Dapat linisin natin ang ating hanay at nakakahiya na despite the increase of the support of the government ay may ganiyan," ani Eleazar.

Noong Martes, isang pulis-Quezon City ang naaresto rin sa isang buy-bust operation sa Marikina habang isa naman ang nagpositibo sa drug test na ginawa sa Kampo Karingal.

Sa datos ng National Capital Region Police Office (NCRPO), umabot na sa 70 ang bilang ng mga pulis na sangkot sa ilegal na droga, robbery, extortion, at iba pang krimen.

Nahaharap ang mga nahuli sa kasong paglabag sa Republic Act (RA) 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, RA 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act, at RA 9516 o Law on Explosives. -- Ulat ni Doland Castro, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.