Sereno, nagpasaring sa harap ng mga kapwa mahistrado; De Castro, bumuwelta

ABS-CBN News

Posted at Mar 08 2018 04:09 PM | Updated as of Mar 08 2018 11:02 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Hindi na nagpigil at nagpakawala na ng mga matatapang na salita si Chief Justice Maria Lourdes Sereno sa isang pagtitipon kasama ang kaniyang mga kapwa mahistrado sa Korte Suprema.

Sa kaniyang talumpati sa event ng Philippine Women Judges Association (PWJA) Huwebes ng umaga, nanindigan si Sereno na hindi siya magbibitiw kasabay ng sunod-sunod na aksiyon upang mapatalsik siya sa Supreme Court (SC).

"All kinds of lies, threats, harassment, and bullying have been thrown my way but I will not yield...I am fighting for our future as a freedom-loving nation...I will not throw in the towel," ani Sereno. 

Kasabay ng isinampang quo warranto petition na kumukuwestiyon sa legalidad ng kaniya mismong pagkakatalaga sa Korte Suprema, sinabi ni Sereno na tanging impeachment lang ang "patas" na paraan upang masagot niya ang lahat ng ibinabatong paratang.

"I must fight to have my day at the Senate impeachment court... Trial-type proceeding challenges allegations and unmasks lies. Anything less than an impeachment trial...is nothing but blatantly unfair," giit ni Sereno. 

Habang nagtatalumpati si Sereno ay ganap nang pinagbotohan ng House justice committee kung may sapat na batayan nga ba ang reklamo laban kay Sereno. 

Sa botong 38-2, idineklara ng komite na may sapat na batayan o probable cause ang impeachment complaint laban sa punong mahistrado.

Pero tila hindi nagustuhan ni SC Associate Justice Teresita De Castro ang laman ng talumpati ni Sereno. 

"I’m very sorry that the Chief Justice has taken this opportunity to discuss a matter which is subjudice; we have given her all the courtesy and I sincerely hope that she should not have dealt with a matter which is pending with the Court," ani De Castro. 

Para kay De Castro, hindi tamang isiwalat ni Sereno ang kaniyang saloobin kaugnay sa mga kaso lalo na't nakabinbin sa Korte Suprema ang quo warranto petition. 

Si De Castro ay kilalang katunggali ni Sereno sa loob ng Korte Suprema. Makailang-ulit na rin itong naglabas ng kaniyang pagtutol sa pamamalakad ni Sereno sa pamamagitan ng mga memorandum. 

Isa rin si De Castro sa tumestigo laban kay Sereno noong hinihimay ang impeachment complaint sa Kamara. 

--Ulat ni Ina Reformina, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.