Sereno impeachment, lusot sa komite ng Kamara

ABS-CBN News

Posted at Mar 08 2018 03:33 PM | Updated as of Mar 08 2018 11:06 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Tatlumpu't walong mga mambabatas na mga miyembro ng House justice committee ang bumoto para umusad ang impeachment complaint laban kay Supreme Court Chief Justice Maria Lourdes Sereno. 

Sinabi ng mga mambabatas na may sapat na basehan o probable cause para ipagpatuloy ang pagpapaharap kay Sereno sa impeachment, habang tumutol naman o sumalungat sina Dinagat Island Rep. Kaka Bag-ao at Quezon City Rep. Kit Belmonte.

Babalangkasin na ng komite ang articles of impeachment laban kay Sereno, saka ito isusumite at pagbobotohan sa plenaryo, o sa buong Kamara. 
    
Kung lulusot sa House plenary, didiretso na ang impeachment complaint sa Senado na siyang tatayong impeachment court.
    
Sa panayam ng DZMM, iginiit naman ni Atty. Carlo Cruz, tagapagsalita ng kampo ni Sereno, na handa silang harapin at sagutin ang reklamo.

"Kahit may probable cause silang deteminasyon...in terms of actual proof, enough for conviction, wala po, panatag po ang aming pananaw," ani Cruz. 

Bukod sa impeachment, may petisyon ding nakabinbin sa Korte Suprema na layong ideklarang "void" ang pagkakatalaga ni Sereno bilang punong mahistrado. 

Kasalukuyang nasa indefinite leave si Sereno bilang paghahanda sa kaniyang napipintong paglilitis sa Senado. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.