SAPUL SA CCTV: Tangkang holdap sa Cebu, panghahablot sa Caloocan

ABS-CBN News

Posted at Mar 08 2018 10:41 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Nakuhanan sa CCTV ang tangkang panghoholdap sa isang babae sa isang subdibisyon sa Mandaue City, Cebu noong Martes ng gabi. 

Sa kuha ng CCTV, makikita ang pagpasok ng dalawang lalaking nakamotorsiklo sa eskinita ng Consuelo Village sa Barangay Basak.
    
Pagdaan ng biktima na kinilalang si Janeth Quevedo, 28 anyos, nag-U-turn ang motorsiklo.
    
Bumaba ang angkas nito at nagdeklara ng holdup.
    
Hindi ibinigay ni Quevedo ang kaniyang bag kaya pinaghahampas ng baril ng holdaper ang kaniyang kamay.
    
Hindi tumigil ang lalaki kahit napahiga at nakaladkad na ang biktima.
    
Tiyempo namang may mga lumabas na kapitbahay kaya tumakas ang dalawa, pero bigo silang matangay ang bag ng biktima.

Aminado si Quevedo na delikado ang kaniyang ginawa, pero importante raw ang laman ng bag kaya hindi niya binitiwan.

Nagdagdag na ng mga rumorondang tanod sa Barangay Basak sa gabi, at may magpapatrolya na ring police mobile malapit sa subdibisyon.
    
Simula sa Lunes, ipagbabawal ng lokal na pamahalaan ang paggamit ng bonnet, maskara, at tinted na helmet.

Sa Caloocan City naman, nakuhanan din ng CCTV ang paghablot ng naka-motorsiklong snatcher sa cellphone ng dalagitang naglalakad sa Amparo Village noong Martes.
    
Nakaladkad pa ang biktima dahil nahawakan ng snatcher ang kamay nito.
    
Inaalam pa ang pagkakakilanlan ng snatcher.
    
--Ulat ni Aiza Layague, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.