NCRPO, nakamanman sa terorismo habang naghahanda sa Semana Santa

ABS-CBN News

Posted at Mar 08 2018 02:01 AM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Dobleng pahahanda ang ginagawa ng Philippine National Police-National Capital Region Police Office (PNP-NCRPO) para sa nalalapit na Semana Santa kung saan humigit-kumulang 5,000 pulis ang kanila umanong ipakakalat sa Metro Manila.

Ayon kay NCRPO Chief Oscar Albayalde, nakatuon ang pansin ng kanilang intel operatives sa pagmanman sa mga lugar na posibleng pagkanlungan ng mga miyembro ng teroristang grupo sa Kamaynilaan.

Ito'y kasunod ng mga impormasyong dito umano sa Metro Manila naglalagi ang mga terorista. 

Ayon kay Albayalde, may limang lugar sa Maynila ang natukoy ng PNP na posibleng maging hideout ng mga terorista.

"We monitor 'yung mga posibleng pagtataguan nila. Hindi naman natin minamasama itong mga kapatid nating Muslims, [but] since sila ay nanggagaling sa Mindanao, it is apparent na doon sila sa mga Muslim enclaves nagtatago, nagsi-seek ng shelter, nagsi-seek ng refuge," ani Albayalde.

Ayon kay Albayalde, isang pruweba ang pagkakaaresto noong isang linggo sa umano'y ISIS leader na si Femi Lassqued sa Ermita, Maynila at ang umano'y sub-leader ng Maute group na si Abdul Nasser Lomondot at kaniyang asawa nito lamang Sabado.

Pero Miyerkoles ay ibinasura ng Department of Justice (DOJ) ang reklamo laban sa Egyptian na si Lassqued at Pinay na partner dahil sa "lack of merit."

Natunugan naman ng awtoridad ang malawakang recruitment ng mga miyembro ng Maute at ISIS follower lalo na sa mga depressed area.
    
Puspusan din umano ang pakikipag-ugnayan ng awtoridad sa mga Muslim leader at hiniling ang kooperasyon ng mga ito sa pag-monitor sa mga terorista.

Gayunman, ayon kay Albayalde, wala pa silang namo-monitor na panibagong banta ng terorismo pero naka-full alert status pa rin sa Metro Manila.

Palalakasin pa rin anila ang intelligence gathering para pigilan ang anumang banta ng pag-atake ng teroristang grupo.

--Ulat ni Maan Macapagal, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.