Nawalang taxi driver, naaagnas na nang matagpuan sa Muntinlupa

Anjo Bagaoisan, ABS-CBN News

Posted at Mar 08 2018 07:00 PM

Muntinlupa City Police

Inaagnas na nang matagpuan sa Muntinlupa ang bangkay ng isang taxi driver, isang linggo matapos siyang mawala at matagpuan ang kaniyang minamanehong sasakyan sa Pangasinan. 

Simula Pebrero 26 ay hindi na umano umuwi sa bahay niya sa Cavite ang 58 anyos na tsuper na si Felix Parejo.

Kinabukasan, natunton ang taxi na minamaneho ni Parejo sa Urdaneta City, Pangasinan, mahigit 100 kilometro mula sa karaniwan niyang ruta sa Metro Manila. 

Urdaneta City Police

"Naiwan kasi 'yung damit niya na suot na pula, pero may dugo...Iniisip namin buhay na uuwi kahit may sugat-sugat, di kami nag-iisip na patay ang tatay ko," ayon kay alyas "Sonia," anak ng biktima.

Marso 5 o saktong isang linggo matapos hindi umuwi ay nadiskubre ng isang guwardiya sa talahiban sa reservation ng New Bilibid Prison sa Muntinlupa ang naaagnas na bangkay ni Parejo.

Muntinlupa City Police

Dahil hindi na mamukhaan, sa tattoo sa kaniyang braso na lang siya nakilala ng pamilya. Nakagapos ng lubid ang mga kamay niya at may tama ng bala sa ulo.

Batay sa tagal ng pagkaagnas, tingin ng pulisya ay isang linggo nang patay si Parejo.

"We are looking at a very strong case of possible...robbery. But we are not downgrading other possible motives," ani Senior Superintendent Dionisio Bartolome Jr., hepe ng Muntinlupa City police.

Nakikipag-ugnayan na ang Muntinlupa City police sa ibang mga istasyon sa Kamaynilaan pati na sa Pangasinan para mabalikan ang mga dinaanan ng taxi ni Parejo.

Anjo Bagaoisan, ABS-CBN News

Nanawagan din sila sa sino mang huling nakakita kay Parejo o sa taxi nito na magbigay ng impormasyon at kontakin sila sa mga sumusunod na numero:

  • 0908-377-0084
  • 0920-979-8368

Hiling ng pamilya na malutas agad ang kaso at mapanagot ang sino mang pumatay sa kanilang kaanak. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.