Nasa 200 aso't pusa binakunahan kontra rabies sa QC

Kristine Sabillo, ABS-CBN News

Posted at Mar 08 2018 02:56 PM

MANILA- Aabot sa 200 aso at pusa ang binakunahan kontra rabies sa Purok 12, Barangay Commonwealth sa lungsod ng Quezon nitong Huwebes ng umaga.

Bahagi ito ng malawakang pagbabakuna ng lokal na pamahalaan at ng Quezon City Veterinary Department.

Ayon sa beterinaryo na si Dr. Esmeraldy Emyl Encarnado, importanteng magkaroon ng bakuna kontra rabies ang mga alagang hayop lalo na ngayong mainit ang panahon at mas mataas ang posibilidad na mangagat sila.

"Marami tayong constituents…alaga ng alaga ng aso, hindi nila alam ang responsibility nila," ani Encarnado.

Pinaalalahanan namin ni Konsehal Gian Sotto na may pananagutan ang mga may-ari kung makakagat ng tao ang mga alaga nilang hayop.

Ilan sa mga nagpabakuna ng kanilang mga alagang hayop ay ang mga residenteng sina Mixie Miguel na mayroon 2 Japanese Spitz na aso, at si Michelle Condeza na nag-aalaga ng pusa.

Ayon sa Quezon City Veterinary Department, bumaba ng 30 porsiyento ang kaso ng rabies sa lungsod dahil sa mga malawakang pagbabakuna.

Tumataas nga lang ang kaso ng rabies exposure simula Marso dahil tag-init na.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.