Nabistong modus: 40 yosi itinago sa hotdog sandwiches sa kulungan

ABS-CBN News

Posted at Mar 08 2018 04:04 PM

Makikita sa larawang ito ang ilan sa 40 sigarilyong isiniksik sa hotdog sandwiches para maipuslit sa kulungan. ABS-CBN News

LEMERY, Batangas - Napigilan ng mga awtoridad ang tangkang pagpupuslit sa municipal jail dito ng 40 sigarilyo na itinago sa 2 hotdog sandwich noong Martes. 

Iniabot ng isang batang nasa edad 10 ang mga sandwich na para umano sa isang inmate, sabi ni jail officer Herbert Fajiculay. 

Nagtaka aniya siya dahil ito ang unang beses na may nagpadala ng pagkain sa inmate na ilang taon nang nakakulong doon. Agad din aniyang umalis ang batang nag-abot ng pagkain. 

Nang siyasatin ang mga sandwich, natuklasan ng jail officers ang mga sigarilyong nakabalot sa plastic at natatakpan ng hotdog at sauce. 

Naniniwala naman ang Bureau of Jail Management and Penology na para sa ibang inmate ang kontrabando at ginamit lang ang pangalan ng pinadalhan umano nito. 

Anila, 4 na buwang kawalan ng pribilehiyo sa dalaw ang pinakamababang parusa sa mga detainee na tatanggap ng kontrabando. 

Muli namang hiningi ng mga awtoridad ang suporta ng publiko para tulungang makapagbagong-buhay ang mga inmate. 

"'Wag na po natin silang itolerate, 'wag na po natin silang konsintihin sa maling gawain," sabi ni Fajiculay. 

"Tulungan po natin ang ating mga kasamahan na narito sa piitan, na maituwid sila at mapakinabangan paglabas ng kulungan," dagdag ng jail officer na si Regie Cornejo. 

Nangako ang pamunuan ng Lemery jail na hihigpitan ang inspeksyon ng mga ipinapasok na pagkain at gamit doon. 

Ulat ni Mariz Laksamana, ABS-CBN News 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.