Ban sa political dynasty, nais isama sa federal constitution

ABS-CBN News

Posted at Mar 08 2018 08:48 PM

Nagkasundo ang mga miyembro ng consultative committee ni Pangulong Rodrigo Duterte na ipagbawal ang political dynasties sa ginagawa nitong federal constitution. 

Hindi bababa sa 295 ang bilang ng political dynasties sa bansa ngayon, ayon sa isang pag-aaral.

Sa Marso 12 pormal na aaprubahan ng komite ang ban.

Base sa panukala ng grupo, bawal na ang mag-asawa at magkakamag-anak hanggang sa second civil degree na maupo o tumakbo na magkakasabay sa mga posisyong lokal.

Bawal din nilang sundan o palitan ang kamag-anak sa posisyon. 

Kung national official naman ang nakaupo, hindi puwedeng may kamag-anak siyang tumatakbo o nakaupo sa lokal.

Saklaw ng panukalang ban ang asawa, anak, magulang, at kapatid.

Ngunit panukala lang ang lahat ng ito at nakasalalay pa rin sa Kongreso kung susundin ito.

Higit tatlong dekada na ang nakalilipas pero hindi pa rin nagpapasa ng batas ang Kongreso laban sa political dynasties kahit na ipinagbabawal ito sa Konstitusyon.

Ayon sa isa sa mga miyembro ng komite na si Fr. Ranhilio Aquino, dapat ay tanggapin ng Kongreso ang kanilang panukala kung gusto nito ng bagong Konstitusyon.

Bukod sa pagbabawal sa political dynasties, nagkasundo rin ang komite na dapat magka-partido ang ibobotong presidente at bise presidente.

Karaniwang nagkakabanggaan ang dalawang pinakamatataas na opisyal ng bansa na galing sa magkaibang partido.

Sa botong 13-5, pinaboran din ang paglalagay ng educational requirement para sa mga kakandidato sa pagka-senador.

Dapat ay may college degree o katumbas na antas nito ayon sa Commission on Higher Education.

--Ulat ni Christian Esguerra, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.