Amang 'nanghalay' ng sariling anak nang 7 taon, patay sa engkuwentro

Isay Reyes, ABS-CBN News

Posted at Mar 08 2018 09:22 AM | Updated as of Mar 08 2018 11:06 AM

Patay ang isang ama matapos umanong manlaban sa mga pulis nang siya'y puntahan dahil sa reklamong panggagahasa sa sariling anak.

Nagtamo ng ilang tama ng baril ang suspek na dahilan sa agaran nitong pagkamatay. Narekober sa crime scene ang isang kalibre .45 na baril.

Kuwento ng nanay ng biktima, nagsumbong sa kaniya Miyerkoles ng gabi ang anak na babae matapos umano itong saktan ng kaniyang mister.

Akala niya'y simpleng away mag-ama lamang ito pero nagulat siya sa ibinunyag ng anak.

"Hindi raw siya mahal ng papa niya. Hindi raw siya mahal bilang anak pero bilang asawa," aniya.

Dito na ibinunyag ng biktima na 7 taon na siyang ginagahasa ng suspek.

Gusto sana niyang komprontahin ang kaniyang mister pero natatakot siya na papatayin sila dahil may dala umano itong itak.

Agad pumunta sa pulisya ang mag-ina para magreklamo.

Nang puntahan ng mga pulis ang kanilang bahay sa Barangay Old Balara, Quezon City, nagpaputok umano ang suspek.

Ayon kay Superintendent Rossel Cejas, hepe ng Quezon City Police District Station 6, napilitan silang gumanti ng putok na siyang ikinamatay ng suspek.

"We have no other choice but to defend ourselves," aniya.

Ipinakita naman ng biktima sa likod ng TV ang mga condom na ginagamit tuwing ginagalaw siya ng kaniyang ama.

Nakabaon na ito sa lupa dahil sa tagal at dami ng taon na nagtatapon ang suspek doon.

"Hindi ko nga po alam bakit niya ito magagawa sa anak namin. Alam ko na mahal na mahal niya anak namin. Hindi naman ako nagkukulang sa kaniya," ani sa nanay ng biktima.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.