7 Batangueño, topnotcher sa February 2018 mechanical engineering board exams

Kevin Dinglasan, ABS-CBN News

Posted at Mar 08 2018 09:03 PM

BATANGAS CITY - Ipinagmamalaki ngayon ng Batangas State University ang pitong topnotchers ng katatapos lang na Mechanical Engineering Licensure Exams na pawang mga nagtapos sa unibersidad.

Nanguna sa 933 na nakapasa sa pagsusulit si Kelvin Macatangay, na mula sa San Jose, Batangas.

Nakuha ni Kelvin ang pinakamataas na markang 88.75%.

Panganay sa magkakapatid si Kelvin. Sa pagtatrabaho ng kanilang ama sa Kuwait bilang isang overseas Filipino worker, naitaguyod niya ang pag-aaral ng mga anak.

Ayon sa inang si Lucila, masayang masaya sila sa tagumpay ni Kelvin.

"Walang pagsidlan ang saya, para bang hindi ka magkaintindihan ang gagawin mo sa sarili na hindi mo inaasahan na nakamit ng bata," aniya.

Dagdag pa niya, hindi naging madali ang pinagdaanan ng anak.

"Talagang napakahirap ng pinagdaanan niya, puyat, pagod na halos ay inabot ng pagkakasakit pero awa ng Diyos ay nalampasan din," ani Lucila.

Ayon naman kay Kelvin, masaya siya dahil maari na siyang magpahinga ngayong tapos na ang pagsusulit.

"Sobrang sarap po talaga, pwedeng pwedeng matulog nang masarap... Sa ngayon po papahinga muna tapos magpre-prepare kami para sa sunod na batch na magt-take ng board exam, then after po noon magsisimula na po sa pagtatrabaho po," aniya.

Bukod kay Kelvin, kabilang rin sa mga nakakuha ng pinakamatataas na marka sina Efren Suarez, Jr. (top 3); Emanuelito Aristorenas (top 5); Hazel Veyra (top 6); Dyve De Ocampo (top 7); Adrian Bautista (top 8); at Anna Rizza Ebreo (top 10).

Ayon kay Veyra, nabawi nila ang hirap sa pag-aaral nang makakuha sila ng mataas na marka.

"Nabayaran na po ang hirap namin sa review, hirap po nang pag-aaral po namin dito," aniya.

Huwebes ng umaga, isang misa ang isinagawa sa unibersidad bilang pasasalamat.

Binati rin ni Dr. Elisa Gutierrez, ang dekana ng College of Engineering, Architecture and Fine Arts (CEAFA), ang 117 nakapasa mula sa kanilang mga dating mag-aaral.

"Congratulations to everybody. You really made us proud... I hope this will serve as an inspiration to the College of Engineering," aniya.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.