4 miyembro ng HPG na 'nangikil' sa motorista, arestado

Angelo Andrade, ABS-CBN News

Posted at Mar 08 2018 02:31 AM

Arestado ang 4 na miyembro ng Iligan City Highway Patrol Team, kabilang ang hepe nito, sa ikinasang entrapment operation dahil umano sa pangingikil sa mga motorista.

Kinilala ang mga hinuli na sina Senior Insp. Rolando Rigat, hepe ng Iligan City Highway Patrol Team; SPO2 Crisanto Bernardo; at 2 civilian auxiliary na sina Mac Harvey Abad at Sidney CaƱete.

Ayon kay Senior Supt. Leony Roy Ga, director ng Iligan City Police Office, isinagawa ang entrapment Miyerkoles ng gabi matapos umanong manghingi ang grupo ng P3,000 sa isang motorista na nahuli nila dahil walang plate number.

"Allegedly, kasi itong team na ito, they are extorting money from vehicles passing the area of Iligan City," aniya.

Narekober ng Counter Intelligence Task Force at Iligan City Police Office ang marked money na P3,000 sa palikuran matapos umanong tangkang itapon ito ni Rigat.

May nasamsam din na P5,000 galing sa drawer ni Rigat.

Dagdag ni Ga, may nakuha rin silang reklamo galing sa Hotline 8888 ng Office of the President tungkol sa umano'y pangingikil ng grupo.

"Kaya nag-conduct ng surveillance at monitoring...at na-prove may nagawang hindi maganda itong Highway Patrol Team na ito," aniya.

Hindi naman nagbigay ng pahayag ang mga hinuli na sasampahan ng kasong robbery-extortion. Mahaharap din sa kasong administratibo si Rigat at Bernardo.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.