2 negosyante, patay sa pamamaril sa South Cotabato

Francis Canlas, ABS-CBN News

Posted at Mar 08 2018 01:48 AM | Updated as of Nov 06 2018 08:15 PM

Patay ang 2 negosyante matapos pagbabarilin ng riding-in-tandem sa Tantangan, South Cotabato nitong Martes.

Kinilala ang mga biktima na si Ronaldo Bucaneg at Joel Santiago.

Batay sa imbestigasyon ng pulisya, papuntang Koronadal City ang mga biktima sakay ng isang motorsiklo.

Si Santiago ang nagmamaneho sa motorsiklo habang naka-angkas si Bucaneg nang pagbabarilin ng mga hindi pa kilalang salarin sa Barangay Bukay Pait.

Nagtamo ng 7 tama ng bala si Bucaneg na dahilan sa agaran nitong pagkamatay. Si Santiagao ay dinala pa ospital ngunit binawian ng buhay dahil sa 4 na tama ng bala.

Ayon kay Senior Insp. Ian Bagot, hepe ng Tantangan Police Station, si Bucaneg umano ang target ng gunman at nadamay lang si Santiago.

Palaisipan naman sa pamilya ni Bucaneg ang motibo sa pamamaslang.

"Mabait na tao 'yan. Kaya wala kaming maisip na dahilan ng pagpatay sa kaniya. Diyos na ang bahala sa kanila," pahayag ng kapatid ni Bucaneg.

Napag-alaman ng pulisya na binaril din si Bucaneg noong Pebrero 19 sa Tacurong City.

Nadaplisan lang ng bala si Bucaneg sa braso at nakilala niya ang bumaril sa kaniya. Ito ngayon ang sinusundang lead sa imbestigasyon. 

Tinitingnan din ng pulisya kung may kinalaman sa negosyo ang pamamaril. Buy and sell ng mga motorsiklo ang negosyo ng mga biktima.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.