10 nasagip, 1 arestado sa prostitusyon sa Tondo

Jervis Manahan, ABS-CBN News

Posted at Mar 08 2018 06:04 AM | Updated as of Nov 07 2018 01:08 AM

Nasagip ng mga pulis ang 10 babae na umano'y ibinubugaw sa isang hotel sa Tondo, Maynila Miyerkoles ng gabi.

Pito sa mga ito ay napag-alamang menor de edad pa.

Nahuli rin ng mga pulis ang 20 anyos na bugaw na ibinibenta ang mga dalagita sa halagang P2,500 kada isa.

Sinalakay ng PNP Women and Children Protection Center ang hotel matapos magpositibo ang transaksiyon kung saan nagpanggap na undercover agents ang mga pulis pasado alas-9:30 ng gabi.

Modus umano ng suspek na ibenta ang mga dalagita sa mga taong nakaka-chat niya sa Facebook at dinadala sa naturang hotel.

Depensa ng suspek, mismong ang mga babae ang lumalapit sa kaniya para kumita sila.

Umamin ang isang biktima na sumama siya sa suspek dala ng pangangailangan sa pera.

Pero hindi umano niya kilala ang ibang dalagita at pinagsama-sama lang sila sa isang kuwarto sa hotel.

Mahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa Republic Act 9208 o Anti-Trafficking in Persons Act of 2003.

Iimbestigahan din ng mga pulis ang pamunuan ng hotel dahil alam umano nila ang ganitong klase ng aktibidad sa kanilang establisimiyento.

Hindi ito ang unang beses na may sinagip na mga dalagita sa hotel.

Noong Agosto 2017, nasagip din ng PNP-WCPC ang 24 na babae sa parehong hotel.

Itu-turnover naman ang mga dalagita sa Department of Social Welfare and Development.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.