Mag-asawa sa Isabela, pinagbabaril habang natutulog

Danica Guieb, ABS-CBN News

Posted at Mar 08 2017 07:48 PM

Iniinspeksyon ng mga SOCO ang pinangyarihan ng pamamaril sa isang mag-asawa habang sila'y natutulog. Photo by PNP-Ramon, Isabela

ISABELA — Pinagbabaril ng hindi pa nakikilalang salarin ang mag-asawang Victorio Benito Sr., 59, at Merlyn Benito, 58, habang natutulog sa kanilang bahay sa Barangay Planas, bayan ng Ramon, Isabela, Miyerkules ng madaling araw.

Ayon kay Victorio Benito Jr., anak ng mga biktima, bandang 1 a.m. nang makarinig siya ng pagputok ng baril. Matapos ang ilang segundo ay sunod-sunod na daw ang putok na narinig niya.

Agad itong nagpunta sa bahay ng kanyang mga magulang at nakitang wala ng buhay ang mga ito.

Sabi pa ni Victorio, wala daw siyang alam na nakaaway ng kanyang mga magulang.

Sa imbestigasyon ng PNP-Ramon, Isabela, si Merlyn daw ang puntirya ng suspek at nadamay lang ang asawa nito.

Samantala, ayon kay Police Chief Inspector Genesis Cabacungan, maaari daw na konektado ang pagpatay sa kapatid ni Merlyn noong 2013 at ang pamamaril sa mag-asawa dahil iisa daw ang paraan ng pagpatay at parehong kalibre .45 ang baril na ginamit.

Nagtamo ng tama ng bala sa ulo si Merlyn na agad nitong ikinamatay at nagtamo naman ng apat na tama ng bala sa iba’t ibang parte ng katawan at isa sa ulo si Victorio Sr.