LTFRB, inutos ang pagbibigay ng P200K sa mga biktima ng aksidente sa Tanay

Jeck Batallones, ABS-CBN News

Posted at Mar 08 2017 07:33 PM | Updated as of Mar 08 2017 08:07 PM

MANILA — Sa isang pagdinig nitong Miyerkules sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa kaso ng aksidente sa Tanay, Rizal, ipinag-utos ng mga opisyal na ayusin na ang pagbibigay sa loob ng isang linggo ng P200,000 na insurance claim ng mga namatay sa aksidente.

Pero ayon sa kinatawan ng kompanyang SCCI Management and Insurance Agency Corp., insurance company ng Panda Coach Tours and Travel, nakapagbigay na sila ng paunang P50,000 sa mga pamilya ng mga namatay.

Anila, ang kulang na P150,000 ay ibibigay kapag kumpleto na ang kanilang dokumento, tulad ng funeral o burial receipt, pero sabi ng LTFRB na dapat i-waive na ito. Ginawa na ito ng SCCI, pero humingi sila ng 10 araw bago maibigay ang pera.

May ilang pamilya nang nabigyan na ng paunang P150,000 ng Bestlink College of the Philippines at Panda Coach, kaya ang mga ito ay hindi na makakakuha ng balanse.

Hiniling din ng mga complainant na isuspinde ang prangkisa ng Haranah Tours. Nagmungkahi naman ang Panda Tours na alisin na ang suspensyon sa kanilang mga bus, dahil kung wala silang biyahe ay hindi sila makakakuha ng perang maaaring gamiting pambayad sa mga biktima.

May common fund na binuo ang mga kumpanya, na nagkakahalagang P1 milyon. Kalahati dito ay mula sa Panda Tours, at tig-P250,000 ang Haranah at Bestlink. Ayon pa sa Panda Tours, sa 46 na nasaktan, 36 na ang nakalabas ng ospital. Sagot nila ang gastusin ng 10 pa na nasa ospital.

P1.04 milyon na umano ang kanilang nailabas na pera bilang tulong, pero ayon sa mga kaanak na namatayan ay hindi nila tanggap na iyong mga binigyan ng paunang P150,000 ay wala nang makukuhang pera mula sa SCCI.

Nagpapatuloy ang pag-uusap ng mga abogado ng mga partido sa oras na sinulat ang balitang ito.