Aguirre, handang sumalang sa Senado ukol sa 'fake news'

Johnson Manabat, ABS-CBN News

Posted at Mar 08 2017 05:11 PM | Updated as of Mar 08 2017 07:41 PM

Justice Secretary Vitaliano Aguirre at Sen. Antonio Trillanes IV

MANILA - Handang humarap sa imbestigasyon ng senado si Justice Secretary Vitaliano Aguirre ukol sa isyu ng "fake news" o pekeng balita. 

Una nang naghain ng Senate resolution si Sen. Antonio Trillanes IV na naglalayong imbestigahan ang umano'y misleading information na nanggagaling sa ilang opisyal ng gobyerno tulad ng nangyari kay Communications Secretary Martin Andanar at Sec. Aguirre. 

Ayon kay Trillanes, responsibilidad ng mga mambabatas na siguruhing hindi naabuso ng mga opisyal ng gobyerno ang kanilang kapangyarihan sa pagpapakalat ng kasinungaligan at propaganda. 

Una ng isiniwalat ni Andanar na may isang libong dolyar na ipinamahagi sa Senate media para i-cover ang press conference ni retired SPO3 Arturo Lascañas. 

Nag-sorry naman si Aguirre matapos nitong akusahan si Trillanes at iba pang Senador na planong idawit daw siya sa P50 milyong pisong bribery scandal sa Bureau of Immigration. 

Gayunman, sinabi ni Aguirre na dapat isama sa imbestigasyon ng Senado ang iba pang nasa gobyerno, partikular na ang nagdadala ng peke at sinungaling na testigo sa mga imbestigasyon ng Senado. 

Noong Lunes, maraming senador ang nadismaya sa muling pagharap ni retired SPO3 Arturo Lascañas sa Senado. Binaliktad kasi ni Lascañas ang una niyang testimonya sa senado noong nakaraang tao, kung saan sinabi nya na hindi totoo ang Davao Death Squad.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.