3 tauhan ng Mighty Corp, nahuling nagtatapon ng kaha-kahang sigarilyo

Anjo Bagaoisan, ABS-CBN News

Posted at Mar 09 2017 07:59 AM

Tatlong empleyado ng Mighty Corporation ang inaresto matapos magtapon ng kaha-kahang sigarilyo ng kumpanya sa tambakan ng basura sa Parañaque City, Miyerkules ng hapon.

Ito'y sa gitna ng imbestigasyon ng gobyerno sa cigarette manufacturer dahil sa umano'y pag-iwas sa pagbabayad ng buwis.

Naaktuhan ang mga tauhan ng Mighty Corp. na nagtatapon ng bulto-bultong stick at kaha ng sigarilyo sa isang trailer na pinagtatambakan ng basura sa Sucat Road.

Nakatanggap na noon ang mga awtoridad ng impormasyong una nang itinambak doon ang 2 truck ng mga sigarilyo.

Ayon sa mga saksi, pasado tanghali ng Miyerkules nang unang magtapon ng mga sigarilyo doon ang mga suspek.

"Mahigit 30 karton, parehas pong puno 'yung sasakyan nila," ani Raquel Abierta.

Inabangan ng mga tauhan ng Parañaque Traffic at Environment Offices na bumalik sa lugar ang mga suspek at nahuli ang mga ito habang itinatambak ang ikatlong batch ng mga sigarilyo.

Natagpuan din sa truck nila ang kahon-kahon pang mga sigarilyo.

"Nagtapon po sila ng basura na malaki, as in volume na 'yun naman ay ipinagbabawal sa amin. Pangalawa, iyung kanilang basura galing sa ibang siyudad na hindi naman dapat sa amin. Napag-alamang galing sa Muntinlupa," sabi ng Bantay Kalikasan officer na hiniling na itago ang kanyang pangalan.

Nakilala ang mga naarestong suspek bilang sina Elmer Quinter, June Mar Luna at John Rey Linatoc.

Tumanggi sila, maging ang mga kinatawan ng kumpanya na dumating sa istasyon ng pulis, na kausapin ang media.

Sa salaysay naman ng mga naaresto, sinabi nilang may inihatid silang delivery sa lugar kaya doon na rin nila itinapon ang mga sigarilyo.

Hindi pa nabubuksan, nakabalot ng plastic at may selyo ng Bureau of Internal Revenue (BIR) ang mga kaha ng sigarilyong itinapon nila. May hiwa ang mga ito sa gitna kaya hindi na mapapakinabangan.

Ipinaliwanag ng mga naaresto na rejected o depektibo umano ang mga naturang sigarilyo.

Nitong Martes, nakita ng BIR na sinelyuhan ng mga pekeng tax stamp ang mga pakete ng sigarilyo ng Mighty Corp. na ininspeksyon nito sa Tacloban, Leyte.

Nangangahulugan anila ito na posibleng hindi binayaran ng kumpanya ang tamang buwis na aabot sa P6 milyon.

Ito rin ang nakita ng BIR sa ibang mga pabrika ng Mighty Corp. sa Pampanga, kaya ipinalalagay nilang posibleng nawalan ang gobyerno ng P1 bilyon kung naibenta ang mga ito.

Iniimbestigahan din ng BIR ang Mighty Corp. at iba pa nitong kumpanya sa umano'y hindi pagbabayad ng buwis mula 2010 hanggang 2015.

Mismong si Pangulong Duterte nitong Martes ang nagpaaresto sa may-ari ng kumpanya na si Alex Wong Chu King dahil sa umano'y economic sabotage.

Agad namang humarap si Wong Chu King sa Department of Justice (DOJ) at National Bureau of Investigation (NBI).

Nauna nang sinabi ng abogado ng Mighty Corp. na handa itong magbayad sa gobyerno kung maipapakita sa kanila ng BIR kung magkano mismo ang kakulangan nila.

Aalamin naman kung peke ang mga selyong ginamit sa mga sigarilyong itinapon sa Parañaque.