2 arestado sa Oplan Galugad sa Quezon City

Bianca Dava, ABS-CBN News

Posted at Mar 08 2017 08:53 AM

MANILA – Arestado ang dalawang lalaki matapos mahulihan ng umano'y shabu at drug paraphernalia sa Oplan Galugad sa Brgy. Pinyahan, Quezon City.

Sinubukang tumakas pero nahuli pa rin. Arestado ang tuberong si Arnold Otico at kasamang si Jun Torrico sa ikinasang Oplan Galugad ng mga pulis sa barangay kagabi.

Pauwi na sana ang mga tauhan ng QCPD Station 10 Drugs Enforcement Team nang madatnan ang dalawang suspek sa tapat ng isang kubol sa Matimpiin Street.

Bigla umanong nagpulasan ang dalawa, kaya't hinabol sila ng mga pulis.

Pasimple pang itinapon ni Torrico sa ilalim ng isang nakaparadang sasakyan ang bitbit na sachet ng shabu pero nakita ito ng mga operatiba.

Nakuha naman sa loob ng kubol na pag-aari ni Otico ang ilang drug paraphernalia. Hindi na itinanggi ng suspek na ginagawa niyang puwestuhan ang kanyang bahay kung saan din nakatira ang kanyang pitong anak.

Dati nang sumama sa Oplan Tokhang ang dalawa pero imbes na tumigil ay nagpatuloy pa sa iligal na gawain. – Umagang Kay Ganda, 08 Marso 2017