Maaari pa ring panatilihin ang tradisyunal na itsura ng mga jeep kasabay ng pagpapatupad ng Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP), ayon sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).
Kasunod ito ng panukala ng ilang transport group na panatilihin ang "iconic" na disenyo ng jeep at suhestiyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na payagang makabiyahe ang mga jeep na maayos ang kondisyon.
Ayon kay LTFRB Chairman Teofilo Guadiz III, maaari pa rin itong payagan basta pasado sa Philippine National Standards sa ilalim ng Bureau of Product Standards ng Department of Trade and Industry.
“The modernized jeep that you saw is clear proof that the traditional look can be maintained so the possibility of a phaseout is very, very remote. What we only wanted was to improve the roadworthiness of the vehicle,” aniya.
Ayon sa LTFRB, kabilang sa mga dapat isaalang-alang sa disenyo ng modernong jeep sa ilalim ang mataas na bubong na sapat upang makatayo ang mga pasahero.
Dapat din na nasa kanang bahagi ng driver ng jeep ang pinto at dapat maglagay ng labasan o exit point.
Maaari rin umanong ilagay sa modernong jeep ang airconditioning unit at mga CCTV camera para sa seguridad ng mga pasahero.
Una na ring ipinakita ni Elmer Francisco, may-ari ng Francisco Motors, ang ginawang disenyo ng modernong jeep na sumusunod umano sa standard na inilatag ng gobyerno.
"Pasok po 'yan sa mga sukat na itinalaga ng gobyerno base sa Philippine National Standards. Nakakatayo na po 'yan sa loob then ang pinto nasa kanan, sa harap. Sa likod po, dinagdag pa rin po natin 'yung rampa para sa mga PWD o nasa wheelchair na passengers po natin," ani Francisco.
RELATED VIDEO:
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.