Nasa 600 tsuper sa Pasig City ang nakibahagi sa protesta kontra jeepney phaseout, Martes ng hapon. Reiniel Pawid, ABS-CBN News
MAYNILA -- Nanindigan ang grupo ng mga tsuper sa Pasig City na itutuloy nila ang isang linggong transport strike kontra sa traditional jeepney phaseout.
Nagsimula ang transport strike nitong Lunes at magtatapos sa Linggo, March 12.
"Sa ngayon po, maaaring magtuloy-tuloy ang aming tigil-pasada hangga't hindi nag-aanunsiyo ang LTFRB at ang ating pangulo na ibasura 'yung mga memorandum circular na i-consolidate kami hanggang December 31, 2023," ayon kay Zaldy Canabal, pangulo ng Bagong Bayan Pasig-JODA.
Sa ikalawang araw ng tigil-pasada, nagsagawa ng dance protest ang mga misis ng mga tsuper sa gilid ng Palengke ng Pasig.
Isa sa nakibahagi si Mira Molina. Higit dalawang dekada na sa pamamasada ng jeep ang kanyang mister at ito na rin ang kanilang pangunahing pinagkukunan ng panggastos sa araw-araw.
"Nagpapa-aral po ako ng apat na anak, halos lahat po sila kolehiyo so kung mawawala po 'yang [jeep] saan kami kukuha ng pangtustos para makapag-aral sila? Everyday kita doon kami kumukuha ng pangkain, pambaon at lahat ng pangangailangan," dagdag ni Molina.
Pangamba naman ng tsuper na si Emerson Bismonte, sobrang hirap ng makahanap ng pamalit na trabaho sa oras na matuloy ang phaseout sa traditional jeepneys.
"Napakalaking bagay po ng pamamasada ko sa jeep gawa ng hindi ako tapos ng pag-aaral wala akong alam na medyo magaan na hanapbuhay," dagdag ni Bismonte.
Pumarada rin ang higit 30 jeeps sa Poblacion ng Pasig bilang pagpapakita na nagkakaisa sila sa panawagang masalba ang traditional jeepneys.
Samantala, nitong Lunes sinabi ng Malacañang na hindi naparalisa ng naturang strike ang public transport operations lalo na sa Metro Manila.
Malaking bagay umano ang nakaantabay na libreng sakay program.
“[They] failed to disrupt the normal public transport operations,” ayon sa pahayag ng Malacañang.
KAUGNAY NA ULAT:
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.