PatrolPH

Construction materials hatid sa mga apektado ng Bagyong Odette sa Bohol

ABS-CBN News

Posted at Mar 07 2022 04:34 PM

Bumalik ang ABS-CBN Foundation sa Loon, Bohol para hatiran ng materyales ang ilang residenteng nasiraan ng mga tirahan dahil sa Bagyong Odette.

Nauna nang nagdala ng pagkain ang ABS-CBN Foundation sa mga taga-Barangay Cabakungan, Loon pero kamakailan ay bumalik sila, dala ang mga yero, pako, at plywood na pangkumpuni ng bahay ng nasa 300 pamilya.

Isa sa mga natulungan si Miguel Rota, 71, na kasalukuyang nakasilong sa maliit na pinagtagpi-tagping trapal at napulot na yero kasama ang kaniyang pamilya.

Tinangay ng malakas na hangin ang bahay nila Rota noong kasagsgan ng Bagyong Odette noong Disyembre.

Ayon kay Rota, laking-pasalamat nilang mag-anak na nakalikas sila sa kapitbahay noong tumama ang bagyo.

Kagaya nila Rota, sa napulot na yero rin gawa ang sinisilungan ngayong ng residenteng si Cirila Gonzaga.

Dating tindera ng gulay si Gonzaga pero maging ang kaniyang mga pananim ay pinadapa ng Bagyong Odette, kaya ang anak na mangingisda at karpintero ang tumutustos sa kanilang mga pangangailangan ngayon.

Nawasak ang mga bahay at nawalan ng kuryente sa malaking parte ng Bohol noong Disyembre dahil sa Odette, na pinakamalakas na bagyong tumama sa Pilipinas sa taong 2021.

— Ulat ni Bernadette Sembrano, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.