Nagpapabakuna ang isang lalaki sa loob ng Recto Stationng LRT-2 sa Manila noong Pebrero 22, 2022. George Calvelo, ABS-CBN News/file
MAYNILA - Target ng Pilipinas na makapagbakuna ng 1.8 million COVID vaccine doses sa loob ng 3 araw sa darating na ikaapat na malawakang national vaccination drive, ayon sa National Vaccination Operations Center nitong Lunes.
Isasagawa ang ikaapat na Bayanihan Bakunahan Program mula Huwebes, Marso 10, hanggang Sabado, Marso 12.
Layon nitong mas ilapit ang bakunahan sa mga mamamayan, sa pamamagitan ng pagdaraos nito sa mga lugar ng pinagta-trabahuhan at pagbabahay-bahay.
Ongoing ang koordinasyon ng DOH regional offices sa mga opisiona ng gobyerno, eco-zones, at pribadong kompanya kaugnay ng gagawing pagbabakuna kontra COVID, ayon kay Dr. Paz Corrales, medical consultant ng National Task Force Against COVID-19.
Nakikipag-ugnayan na rin ang NTF sa Philippine Medical Association para muling tumulong sa pagbabakuna. Nananawagan din ang gobyerno para sa volunteers sa national vaccination days.
“Definitely we need volunteers for that. If ever there are volunteers, lumapit lang po sa LGUs at regional offices ng DOH,” sabi ni Corrales.
Target ng gobyernong itaas sa 70 milyong Pilipino ang bakunado kontra COVID sa katapusan ng Marso.
Base sa huling datos, higit 63.6 million na ang fully vaccinated sa bansa. Nasa 10.5 million naman ang may booster o dagdag na dose. Pero ang bilang na ito, wala pa sa kalahati ng bilang ng mga indibidwal na kwalipikado nang tumanggap ng booster.
“Ang akala ng iba, hindi na kailangan bigyan ng booster dose. Kuntento na po sila sa dalawang doses. Pero ang sinasabi namin, ang booster dose ay added protection, dahil hindi po natin alam, baka magkaroon na naman po ng panibagong variant ang COVID-19, ito po ay added protection,” ani Corrales.
Dagdag niya, hindi na isyu ang supply ng COVID vaccines ngayon. Dumating sa Pilipinas ang halos 4 na milyong doses ng Pfizer COVID vaccine para sa mga indibidwal na 12 years old pataas nitong Lunes ng umaga. Ito ang pinakamalaking single-shipment ng bakuna kontra COVID sa bansa.
Donasyon ito ng United States sa pamamagitan ng COVAX facility. Sa kabuuan, nasa 231.5 million COVID vaccine doses na ang na-i-deliver sa Pilipinas mula noong nakaraang taon.
RELATED VIDEO