Pet shop sa Pasay, ninakawan

ABS-CBN News

Posted at Mar 07 2021 10:02 AM | Updated as of Mar 07 2021 10:15 AM

Huli ang isang lalaki matapos maaktuhang nagnanakaw sa isang pet shop sa Cartimar Pet Center sa Pasay City. Retrato mula sa Pasay City Police

MAYNILA - Huli ang isang lalaki matapos maaktuhang nagnanakaw sa isang pet shop sa Cartimar Pet Center sa Pasay City. 

Ayon sa ulat ng Pasay Police, napansin ng mga staff ng pet shop ang isang lalaking palakad-lakad lang sa loob ng tindahan at tila may tinatago.

Kalaunan, nakita ng may-ari ng shop na may inilagay na item ang suspek sa bandang bewang.

Nilapitan ng mga staff ang lalaki na agad tumakbo palabas ng pet shop.

Pero nahuli siya ng security guard na nakabantay sa may pinto. 

Nakuha sa suspek ang ilang items ng pet shop gaya ng pet shampoo, pet cologne, dog treats at toothbrush set. Nagkakahalaga ang mga ninakaw na gamit ng halos P1,700. 

Dinala ang 52-anyos na suspek sa Pasay City Police at nahaharap sa kasong theft.

- Ulat ni Jekki Pascual, ABS-CBN News

RELATED VIDEO:

Watch more in iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.