COVID-19 vaccination umarangkada sa ilan pang lalawigan

ABS-CBN News

Posted at Mar 07 2021 01:38 PM | Updated as of Mar 07 2021 08:54 PM

Nagsimula nitong Marso 7, 2021 ang pagbabakuna kontra COVID-19 sa Occidental Mindoro. Dennis Datu, ABS-CBN News

Patuloy ang pag-arangkada ng pagbabakuna kontra COVID-19 sa health workers mula sa iba pang mga probinsiya sa bansa.

Nagsimula ngayong Linggo ang pagbabakuna sa Occidental Mindoro, ang unang lalawigan sa Mimaropa (Mindoro, Marinduque, Romblon at Palawan) region na nagsagawa ng vaccination laban sa sakit.

Ito'y matapos dumating sa lalawigan noong Biyernes ang 750 doses ng bakuna ng Chinese firm na Sinovac.

Unang tinurukan ng bakuna si Dr. Rylan Howell Superiano, ang chief of clinic ng Occidental Mindoro Provincial Hospital.

Ayon kay Superiano, ngayong may bakuna na siya ay mawawala na kahit papaano ang pangamba niya tuwing humaharap sa mga pasyente.

Ayon kay Dr. Maria Teresa Tan, provincial health officer, 228 sa 318 health workers at empleyado ng provincial hospital ang pumayag magpaturok ng Sinovac vaccine.

Nasa 23 naman ang hindi maaaring magpabakuna dahil senior citizens, habang ang iba'y tumanggi dahil sa takot.

Nasa 114 health workers ang naturukan ngayong Linggo.

Nakatakda ring turukan ang San Jose District Hospital sa lalawigan.

Ayon kay Tan, timing ang pagsisimula ng pagbabakuna dahil bahagyang tumataas ang kaso ng COVID-19 sa Occidental Mindoro.

Sa ngayon, 260 ang kabuuang bilang ng mga nagpositibo sa COVID-19 sa Occidental Mindoro simula noong nakaraang taon.

Ayon kay Governor Eduardo Gadiano, may P21 milyon supplemental budget ang lalawigan para pambili ng bakuna.

Watch more in iWantTFC

Sa Lunes naman inaasahang magsisimula ang pagbabakuna sa Oriental Mindoro.

Sinimulan na ring bakunahan ang health workers sa Cagayan Valley ngayong Linggo.

Unang nabakunahan ng Sinovac vaccine si Dr. Glenn Mathew Baggao, medical director ng Cagayan Valley Medical Center (CVMC) sa Tuguegarao City.

Nagprisinta umano si Baggao na magpaturok upang makatulong na mahikayat ang publiko sa pagpapabakuna.

Nasa 65 porsiyento o nasa higit 1,500 tauhan ng CVMC ang nagpalista para mabakunahan ng Sinovac vaccine, na donasyon ng Chinese government at dumating sa bansa noong nakaraang Linggo.

Sa Lunes naman nakatakda ang pagbabakuna sa iba pang COVID-19 referral hospitals sa Cagayan Valley region.

Sa Sarangani, umpisa na rin ang pagbabakuna sa health wokers, na nagsimula kay provincial health officer Dr. Arvin Alejandro.

Watch more in iWantTFC

Aabot sa 336 vials ng bakuna ang inilaan para sa frontliners sa lalawigan.

Ayon kay Alejandro, pumayag siyang tumanggap ng bakuna dahil kailangan ng proteksiyon bilang medical practitioner na laging nakikisalamuha sa maraming tao.

Hindi aniya dapat maging pabaya kahit nabakunahan pa dahil kailangan pa ring sumunod sa minimum health protocols.

Maliban sa Sarangani Health Care Facility, nagsagawa na rin ng pagbabakuna sa Dr. Cornelio P. Martinez Sr. Hospital sa bayan ng Kiamba, Sarangani.

Sa Caraga region, unang nakatanggap ng bakuna si Dr. Angel Eugenio Batac, medical specialist at head ng Department of Medicine sa Caraga Regional Hospital sa Surigao City.

Sinundan siya ni Dr. Kenneth Ja-R Alberca, Medical Specialist II ng nasabing ospital at attending physician ng mga unang pasyenteng may COVID-19 sa rehiyon noong nakaraang taon. 

-- Ulat ni Dennis Datu, ABS-CBN News, at nina Harris Julio, Chat Ansagay at Charmane Awitan

RELATED VIDEO:

Watch more in iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.