MAYNILA (2ND UPDATE)—Nagsuspende na ng klase ang Navotas City at mga bayan ng Taytay at Cainta sa Rizal bunsod ng banta ng coronavirus disease 2019 (COVID-19), ayon sa mga alkalde nila.
Inanunsiyo ito matapos kumpirmahin ng Department of Health na may 2 Pinoy na nagpositibo sa virus nitong Biyernes. Sa kabuuan, anim na ang kumpirmadong tinamaan ng sakit sa bansa.
Sa isang Facebook post, sinabi ni Navotas City Mayor Toby Tiangco na suspendido ang klase sa lahat ng antas sa mga pribado at pampublikong paaralan sa siyudad.
Makalipas ng ilang oras, nagsuspende ng klase hanggang Martes, Marso 10, ang Cainta sa lahat ng antas, batay sa anunsiyo ng alkaldeng si Johnielle Keith Pasion Nieto sa kaniyang Facebook page.
Ito aniya ay para mabigyan ng oras na mamahagi ng face masks ang kaniyang kawani.
Ayon kay Nieto, bibigyan nila ng mga face mask, sanitizer at vitamins ang lahat ng estudyante sa Cainta para makasigurado kontra sa virus.
Iniutos din ni Nieto ang mga driver ng pampublikong sasakyan na magsuot ng mga mask.
Sunod namang sinuspende ang klase sa Taytay para maging handa ang mga residente kontra sa virus.
Ayon kay Mayor Joric Gacula, inatasan nila ang municipal health office na ipagpatuloy ang pag-monitor sa mga taong hinihinalang nahawa sa sakit.
Sakaling makaramdam ng sintomas, maaari aniyang puntahan ng health workers ang bahay ng pasyente at tawagan an Taytay Health Office emergency numbers na: (02) 8571-4858 , 09171659009 o 09176250065.
#WalangPasok, klase, Navotas City, Navotas walang pasok, no classes Navotas, coronavirus ,CAINTA