Menor de edad tiklo sa pangho-holdap sa QC

Kevin Alabaso, ABS-CBN News

Posted at Mar 07 2020 04:53 AM

Timbog ang isang menor de edad matapos umanong mangholdap sa Quezon City Sabado ng madaling araw.

Ayon kay Police Cpl. Mark Pigao, nangholdap umano ang nahuling suspek at ang kasamahan nitong nakatakas sa kahabaan ng Quezon Avenue.

Hinabol ng mga pulis ang mga holdaper mula Sgt. Esguerra Avenue hanggang EDSA, matapos silang mamataan sa Eugenio Lopez Drive.

Nabangga ang sinasakyang motor ng mga suspek sa mga barrier sa EDSA kung saan nahulog ang isang sakay nito at kumaripas naman ng takbo ang nagmamaneho ng motor papuntang southbound lane ng EDSA. 

Tinangka pang tumakas ng suspek na nahulog sa motor ngunit nahabol rin ito ng pulis sa may Quezon Avenue. 

Dinala na ang suspek sa Kamuning Police Station 10 para maimbestigahan ang insidente at tinutugis pa ng mga awtoridad ang kasamahan nito.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.