PatrolPH

Coronavirus outbreak: Navotas Mayor, hiling sa DepEd na ipasa na mga estudyante para hindi na pumasok

ABS-CBN News

Posted at Mar 07 2020 04:58 PM | Updated as of Mar 07 2020 10:15 PM

MAYNILA - Nanawagan ang alkalde ng Navotas City sa Department of Education na bigyan na ng passing grade ang lahat ng estudyante at magsuspinde na rin ng klase mula Marso 9 kasunod ng pagtala ng gobyerno ng mga bagong kaso ng coronavirus disease 2019 (COVID-19). 

Paliwanag ni Navotas City Mayor Toby Tiangco, ito ay para makasiguradong hindi mahawa ang mga estudyante lalo na't matataong lugar ang mga eskuwelahan. 

"The virus can be spread easily, especially in crowded places like schools. In light of this, I urge DepEd to automatically grant passing grades to all students so they do not have to attend classes anymore. We must take all necessary precautions to protect our people, especially our children, from this disease,” ani Tiangco. 

Nauna nang nagsuspinde ng klase si Tiangco sa lungsod sa harap ng banta ng nasabing sakit. Sa ngayon, may 6 kaso na ang Pilipinas, kabilang na ang 2 kaso ng local transmission. 

Wala pang kaso ng coronavirus na naitala sa Navotas.

Gayunman, iginiit ng alkalde na nangangailangang gumawa ng mga hakbang para maiwasan ang pagkalat ng COVID-19. 

"Our city remains COVID 19-free. We do not have any cases of such disease. However, we must enforce preventive measures to keep our people safe," Tiangco said.

Nagpaalala rin si Tiangco sa publiko na maghugas ng kamay at sundan ang maayos na pamamaraan ng pag-ubo. Inanyayahan din niya ang publiko na umiwas sa matataong lugar. 

“Take good care of yourself and always practice good hygiene and healthy lifestyle,” aniya. 

Samantala, iginiit ni Health Secretary Francisco Duque III na hindi na muna dapat nagsuspinde ng klase si Tiangco. Gayunman, nirerespeto niya ang desisyon ni Tiangco. 

"Hindi siguro dapat ginawa muna 'yun. But that's their decision, being independent, being covered under the local government code. That's their own decision," ani Tiangco. 

"But as of today, we are on sub-level 1 of code red... Hindi po tama na 'yun ay gagawin sa ngayon," dagdag niya. 

Hindi na rin noon inirekomenda ng DepEd ang pagsuspinde ng klase dahil sa outbreak ng coronavirus. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.