Magpinsan, patay nang makuryente habang naglilinis ng bubong

Charmane Awitan, ABS-CBN News

Posted at Mar 07 2019 09:05 PM | Updated as of Mar 07 2019 09:06 PM

MAGALLANES, Agusan del Norte - Patay na nang matagpuan ang magpinsang lalaki matapos makuryente sa Barangay Buhang sa bayan ng Magallanes, Agusan del Norte, Miyerkoles ng hapon.

Nakitang nakatihaya sa bubong si Reymong Losdose habang nakasabit naman sa kable ng kuryente ang pinsan nitong si Jeuward Sara.

Base sa imbestigasyon ng pulisya, kinontrata ng isang residente ang magpinsan upang maglinis ng bubong ng kanilang bahay.

Nadulas umano si Losdose at nahawakan ang live wire. Nadamay din ang kaniyang pinsan.

Dagdag pa ni Police Inspector Carlos Villadores, nasunog ang ibabang bahagi ng katawan ng mga biktima at pumutok rin ang ilang bahagi ng kanilang katawan.

Nadala pa sa ospital ang dalawa pero idineklarang dead on arrival ng mga doktor.

Umapela naman ang pamilya ng mga biktima sa may-ari ng bahay na tulungan sila para sa pagpapalibing ng dalawa.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.