PatrolPH

5 tiklo sa anti-drug ops sa QC

ABS-CBN News

Posted at Mar 07 2019 03:56 AM

MAYNILA - Arestado ang 5 katao, kabilang ang isang most wanted, sa magkahiwalay na anti-drug operation sa Quezon City sa magdamag.

Nilusob ng mga pulis ang isang bahay sa Barangay Holy Spirit kung saan nakuhanan si Julius Santos ng 4 na sachet ng hinihinalang shabu.

Kasama sa most wanted list ng Batasan Police Station si Santos.

"Bukod sa pagtutulak, involved din siya sa series ng panghoholdap, akyat-bahay, at iba pang krimen," ani Police Maj. Sandie Caparroso ng Batasan Police Station.

Suspek din si Santos sa pagpatay sa tricycle driver na si Wilson de Guzman noong isang buwan.

Itinanggi naman ng suspek ang mga alegasyon laban sa kaniya.

"Nagulat na lang ako. Tahimik ako sa bahay lang," aniya.

Sa Talipapa naman, timbog ang 2 lalaki sa buy-bust operation. Nakuha sa kanila ang 10 sachet ng umano'y shabu.

Samantala, nahuli ang isang lalaki at kaniyang kinakasama sa Baesa. Narekober sa kanila ang nasa P170,000 halaga ng hinihinalang shabu.

Hawak pa ng babae ang kanilang 1 anyos na anak nang maaresto.

Mahaharap sila sa reklamong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. - Ulat ni Jervis Manahan, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.