PatrolPH

5 arestado sa Davao City buy-bust

ABS-CBN News

Posted at Mar 07 2019 07:20 AM

DAVAO CITY - Timbog ang 5 lalaki sa buy-bust operation sa Carnation Street, Buhangin, Davao City Miyerkoles ng gabi.

Nakuha sa mga suspek ang nasa P225,000 halaga ng shabu at mga drug paraphernalia.

Inaresto ang mga lalaki matapos mabilhan ng droga si alyas Benjie na siyang target ng operasyon. Nakitaan din umano ng baril ang kasamahan nitong si alyas Bruno.

Ayon kay Noli Dimaandal, tagapagsalita ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Davao Region, matagal na nilang minanmanan si Benjie dahil sa ilegal na gawain nito. Ginagawa rin umanong drug den ni Benjie ang kaniyang bahay.

Lumabas din sa imbestigasyon na dating sundalo si Bruno na kinuha ni Benjie bilang protector.

Mahaharap sila sa reklamong paglabag sa Republic Act (RA) 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. 

Sasampahan din ng kasong paglabag sa RA 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act si Bruno. - Ulat ni Louie Angchay, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.