4 patay, 2 sugatan matapos barilin sa lamay sa Quezon

ABS-CBN News

Posted at Mar 07 2019 02:32 AM | Updated as of Mar 07 2019 07:22 AM

INFANTA, Quezon (UPDATED) - Patay ang 4 na lalaki habang sugatan ang 2 iba pa matapos silang pagbabarilin ng hindi pa kilalang salarin sa bayang ito Miyerkoles ng gabi.

Kinilala ang mga napatay na sina Herman Cuento, Leon Cuento, Manuel Avellaneda Cuerdo, at Michael Nuza Cuento.

Sugatan naman sina Maximo Cuento at Napoleon Miras na barangay chairman ng Poblacion.

Batay sa imbestigasyon ng Infanta police, nasa lamay ang mga biktima sa Purok Irrigation, Barangay Ilog nang pagbabarilin 8:45 ng gabi. Naglakad lamang na tumakas palayo sa lugar ang salarin.

Dinala sa kalapit na ospital ang mga biktima, pero hindi na umabot ng buhay ang 4.

Hinala ng Infanta police, target sa pamamaril si Michael. Inambush siya noong 2016 pero nakaligtas.

Isa sa tinitingnang motibo sa pamamaril ay ang negosyo ni Michael na quarrying.

Patuloy na tinutugis ng mga pulis ang salarin. - Ulat ni Ernie Manio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.