17 anyos, napatay ng pulis sa Negros Occidental

Marty Go, ABS-CBN News

Posted at Mar 07 2019 05:34 PM

BAGO CITY - Isang 17 anyos na estudyante ang namatay matapos mabaril ng isang pulis Miyerkoles ng gabi.

Nagtamo ito ng tama ng bala sa kaniyang dibdib na siya nitong ikinamatay.

Ayon naman kay Patrolman Richard Rites, dinepensahan lamang niya ang sarili.

Dagdag pa niya, pinapasok niya sa kaniyang kuwarto ang isang grupo ng kabataan dahil hinahabol umano ang mga ito ng grupo ng namatay na estudyante.

Nang pumasok ang grupo ng estudyante sa kaniyang bahay, isa sa kanila ang nagtangkang barilin siya gamit ang pin gun pero hindi ito pumutok.

Sinira pa umano ng mga ito ang pinto ng kaniyang kuwarto para makapasok sila kaya't wala na siyang nagawa kundi depensahan ang sarili, lalo na umano nang nakita niya na may bitbit na kalibre .38 ang 17 anyos.

Pero ayon naman sa nakatatandang kapatid ng namatay, gusto niyang malaman kung totoo ang sinasabi ni Rites dahil hindi siya naniniwala na may dalang baril ang kapatid.

Nananawagan rin sila ng patas na imbestigasyon sa kaso.

Nakadestino sa Capiz si Rites pero umuwi lamang sa Barangay Taloc sa Bago City. Handa naman umano siyang harapin ang ano mang reklamo laban sa kaniya.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.