10,000 litrong langis maaaring tumagas sa karagatan sa Davao del Norte

Chrislen Bulosan, ABS-CBN News

Posted at Mar 07 2019 04:13 PM | Updated as of Mar 07 2019 11:44 PM

Nasa 10,000 na litro ng langis ang natapon sa mga ilog ng Carmen, Davao del Norte simula Miyerkoles.

(UPDATE) Aabot sa 10,000 litro ng langis ang pinangangambahang kumalat sa karagatang sakop ng Davao del Norte malapit sa isang ilog sa bayan ng Carmen noong Miyerkoles.

Tumapon ang langis mula sa underground pipeline ng Davao Packaging Corporation (DAPACOR) diretso sa mga ilog ng bayan ng Carmen.

Pero naiulat ang oil spill sa Philippine Coast Guard (PCG) nitong Huwebes ng umaga lamang.

Agad namang naglagay ng spill boom ang Coast Guard para mapigilan ang pagkalat ng langis sa dagat.

Watch more in iWant or TFC.tv

Ayon kay Artemio Magbanua, chief petty officer ng PCG-Davao, nasa 25 na tangke pa lang ng langis ang nakokolekta mula sa isang sapa.

Aabot ng hanggang 20 kilometro ang layo ng mga apektadong sapa.

Apektado naman ang kabuhayan ng mga residenteng mangingisda.

Nagpaalala naman ng Coast Guard sa mga residenteng malapit sa mga ilog na huwag munang maligo dito dahil sa oil spill.

-- May ulat ni Johnson Manabat, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.